Wednesday, December 19, 2012

Kung naiintindihan niyo lang na hindi pagandahan ang labanan

Photo from dove

Maraming babae ang nag-aakalang kagandahan ang kasagutan para sa isang masayang pagmamahalan. Dito nagsisimula ang pagkakamaling iniisip nila. Sa makatuwid, habang kaming mga lalaki ay nagmamasid, hindi kagandahan ang pinakamataas na batayan ng aming pagpili.

Oo, tama na kaming mga lalaki ay di hamak mabilis humanga sa mga nag gagandahang babae. Ngunit magkaiba ang kahanga-hanga -sa madaling salita, mga babaeng masarap sa mata- sa babaeng masarap kasama, higit sa lahat ang babaeng mamahalin.

Ang kagandahan ay hinuhusgahan ng taong tumitingin dito. Ngunit dahil tayo ay napaloloob sa isang kultura, kadalasan naihalilintulad natin ang kagandahan sa kung ano ang uso, at sa mga bagay na tanggap ng nakararami. Habang ang mga bagay na ito ay totoong naka-aapekto sa panghusga ng isang tao, hindi mawawala ang katotohanang walang nilikhang pangit ang Diyos. Oo, walang pangit sa mundo, maaring hindi lang nagkataong uso ang itsura mo ngayon. Ikaw ay nilikhang naiiba. Ang kagandahan mo'y espesyal.

Marahil ika'y natatawa o di kaya'y nalulungkot sa mga nababasa mo ngayon. Ang iyong kalungkutan ay dulot ng hindi mo pag pasok sa kategorya ng mga uso ang itsura. Huwag kang mag-alala, hindi pagandahan (o pausuhan) ang labanan.

Ang mga babaeng may busilak na puso ay totoong kahanga-hanga. Ang kagandahang ito ay kadalasang natural na lumalabas sa pamamaraan ng kanilang pakikitungo sa mga tao.

Siya, na may busilak na puso, ay ang babaeng kayang ngumiti na parang wala nang bukas, sa kabila ng mabibigat na problema. Gawa ng kanyang masigabong ngiti, ay ang mga taong nasa paligid na nabibigyan ng pag-asa.

Natutulungan niyang ilabas ng lalaki ang kanyang natatanging potensyal. Ipinapakita niya ang kalakasan ng lalaki, at inaalalayan niya ang kahinaan nito.

Sa kaibuturan ng kanyang damdamin ay ang pagmamahal sa Diyos, na nagbubunga sa pagmamahal sa kapwa, pagtulong, at pag sasakripisyo.

Siya ang babaeng mapagkatitiwalaan sa lahat ng aspeto. Ang mga responsibilidad na naihalubilin sa kanya ay masaya, at mahusay niyang isinasagawa.

Nais ko ring linawin na bagamat hindi kagandahan ang pangunahing batayan ng aming pagpili, ang pagiging representableng panglabas na anyo ay mahalaga parin. Eto ang maaring unang bagay na makita namin. 'Pag tapos na makuha ang aming atensyon, ang mga bagay na isinulat ko sa taas ang mga ilang bagay na hinahanap namin.

Isang kahindik-hindik para sa mga lalake ang maka-relasyon ang isang babaeng walang ibang iniisip kundi magpaganda. Walang ginawa kundi umayon sa uso, at sa daloy ng mundo. Lalung-lalu na kung sa palagay nila ayun lamang ang basehan, at aming tinitingnan. Mga babae, hindi pagandahan lang ang labanan.

Marahil tayo ang pinaka maganda sa isang komunidad. Ngunit hindi maaring ikaw ang pinaka magandang babae sa mundo. Kung ikaw man, lilipas din ang pagka-uso mo. Kaya nga, ating intindihin na hindi lang pagandahan ang totoong labanan, malaking bagay na maalala ng marami na kalooban ang aming tinitingnan.

No comments:

Post a Comment